FEATURE
PASADA: Biyahe ng Modernisasyon
by Liezhel Joy T. Ramos
ILLUSTRATED BY: steffy gwyneth rafael
“Manong bayad, estudyante, KM6.” Inilagay ko sa palad niya ang alay kong mga barya. Isang tipikal at maka-pilipinong tagpo para sa mga estudyanteng kagaya ko ang “commuter starterpack,” iyong kalahating binti lang ang nakaupo at may libre pang amoy ng sunsilk green sa nakaharang na buhok ng katabi ko. Nakakaubos rin ng pasensiya itong traffic, mabuti nalang at bawing-bawi ako dito sountrip ni manong; “Habang may tatsulok, at sila ang nasa tuktok, di matatapos ang gulo.”
Sa likod ng bawat pag-ugong ng hari ng kalsada, nagkukubli ang kwento ng mga taong lakas loob na binabagtas ang hamon ng pamamasada. Habang pasan ang ligtas na paglalakbay ng kanilang mga pasahero, patuloy nilang binubuhay at pinapayabong ang ating mga kalsada at ang mahigit 91 taong tradisyon nating mga Pilipino.
Sa kabila nito, may ilang nais magpanukala ng pagbabago. Ang transportasyong nagsilbing pangkabuhayan ng maraming Pilipino ay nais ngayong palitan ng makabagong uri ng jeep.
PUVMP
Ang Jeepney Modernization Program (JMP) o Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ay unang iprinesenta ng Department of Transportation (DOTr) noong taong 2017. Layunin nitong palitan ang mga tradisyonal na jeep, partikular na ang mga higit 15 taon ng operational o ipinapasada, ng mas ligtas, episyente, at ecofriendly na uri ng transportasyon.
Pinalawig ito ng Senate bill 105 o mas kilala bilang Just and Humane Public Utility Vehicles Modernization Act, bilang tugon sa mga natanggap nitong pambabatikos. Naglatag ito ng mga legal na patnubay para sa mga nagnanais lumahok sa modernization program sa pamamagitan ng pagbibigay ng 20% subsidy alinsunod sa Section 6A at sa Section 6B ng panukalang batas patungkol naman sa loan interest at ibang pamamaraan ng pagbabayad.
Ayon sa Asia Pacific, nagkakahalaga ng 2.4 million hanggang 2.6 million ang isang unit ng modern jeepney, samantala, 200,000 hanggang 600,000 na presyo ng isang tradisyonal na unit. Dagdag pa sa mga gastusin ang pagpapanatili sa maayos na kondisyon nito na hindi maikakailang mas masakit sa bulsa kaysa sa mga tradisyonal na unit.
SUBHEAD
Noong ika- 12 Disyembre, naglabas ng pahayag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang official facebook page matapos ang pagpupulong niya kasama ang ilang transport officials; “Today, we held a meeting with transport officials, and it was decided that the deadline for the consolidation of public utility vehicles (PUV) operators will not be extended. Currently, 70 percent of all operators have already committed to and consolidated under the Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).”
Ibig sabihin, mananatili ang deadline sa ika-31 ng Disyembre para sa konsolidasyon ng mga PUV operators.
Habang patuloy na pumapatak ng matulin ang oras, patuloy rin ang pag alingawngaw ng kanilang mga boses sa kalsada upang makibaka sa ngalan ng katarungan. Habang ang ilan sa atin ay nasasabik sa paparating na bagong taon, may mga pamilyang magbabagong taong kumakaripas sa takbo kahahabol sa deadline ng jeepney modernization.
ANG HARI NG KALSADA
Ang mga tradisyonal na jeepney ay saksi sa makasaysayan at hinubog ng panahong tradisyong pangtransportasyon ng Pilipinas, mahigit 91 taon na itong bahagi ng ating pagkatao’t pagka-Pilipino. Hinuhubog at sinasalamin nito ang maraming mga Pilipinong nasa laylayan, ngunit binuhay ng araw-araw nilang pagmamaneobra sa manibela ng hari ng kalsada at sa buhay. Kasingtingkad ng sari-sari nitong mga kulay ang tradisyong dala-dala nito sa bawat minutong umaarangkada ito sa kalsada. Hindi lang daan-daang mga trabaho ang mangangani , maging ang ating tradisyon.
Hindi lang ito basta tungkol sa kawalan ng pera at kakayahan nila manong para sa jeepney modernization. Hindi lang din ito basta tsuper laban sa isang masakit sa bulsang pagbabago. Kundi isang reyalidad na matagal nang kinahaharap ng mga ordinaryong Pilipino laban sa sakit ng ating madayang sistema.
Ang tanging kapalit ng tapat nilang serbisyo ay ang pinagsamang piso, lima, o sampu. Mga baryang nakapagtustos at nakapagpatapos ng kanilang mga anak sa kolehiyo, nakatulong sa mga gastusin sa bahay, at napunta sa hapag-kainan ng maraming mga pamilya.
Huwag sana nating kakalimutan na minsan sa ating buhay, may tsuper na naghatid sa atin papunta sa ating thesis defense, gala kasama ang mga kaibigan, job application, overnight para sa projects, moving up, araw-araw na pagpasok sa eskwela, recognition, graduation, at bar exams. Ibinyahe nila tayo sa mga destinasyong malaking parte ngayon ng ating buhay. Ngayon naman, sana’y wag nating hahayaang mapag iwanan sila sa byahe natin patungong modernisasyon.
“Habang may tatsulok, at sila ang nasa tuktok, di matatapos ang gulo…” Masyadong maka-pilipino itong soundtrip ni manong. Sinasalamin nito ang mapait na katotohanang lahat tayo ay preso pa rin ng tatsulok at baluktot nating sistema.
Sa wakas, malapit na ako sa CTE. Disclaimer, nagbayad ako kanina, hindi ko na kailangang mag 123 dahil sa baryang ibinayad ko, kapalit nito ang kanilang serbisyo at ang kaligtasan ko. Akalain mo yun, ilang piraso lang ng pisong barya para sa serbisyo nila at kaligtasan ko.
Ilang saglit pa, sinambit ko na ang mga salitang kanina pa inaantay bitawan ng aking dila, “Manong, para po.”