DevCom

Maharlika: Ipon ng Maralita, Nakaninong Bulsa?

Armi-Jay R. Paragas (published November 28, 2024)

Sa kabuuan ng kasaysayan, ang kwento ay palaging maharlika laban sa maralita.

Bago pa dumating ang mga mananakop ng Pilipinas, maharlika ang tawag sa mga pinakamakapangyarihang tao sa lipunan. Sila ay tila mga agila na nakadapo sa isang higanteng obelisko. Hindi na nakapagtataka na kapag sasambitin mo ang salitang ito ay tila ginto kung dumulas sa iyong dila. Samantala, ang mga alipin naman ay ang mga nagtatrabaho para sa mga nakatataas.

Hanggang ngayon, nanatili pa rin itong totoo. Gayunpaman, hindi kasaysayan ang pinag-uusapan, kundi ang isa sa paboritong paksa ng lahat–pera.

Mahigit isang taon na ang nakalipas matapos maaprubahan ang RA No. 11954 o ang batas na nagtatatag ng Maharlika Investment Corporation (MIC). May halaga man itong katumbas ng Php 125B, karamihan ay magmumula sa kaban ng bayan ngunit ito ay nawala sa paningin ng publiko dahil na rin sa iba’t ibang mga isyu at mga pangyayari sa bansa.

“‘Di ko gets yung gist kung bakit kailangan gawin yung fund,” saad ni Aubrey Mendegorin, isang fourth-year na estudyante ng BS in Mathematics (BS Math). 

Ayon naman kay Jhon Kenneth Villanueva, isang third-year BS Agribusiness student, “Hindi ako ganoon ka-familiar sa Maharlika fund, but what I know, kukuha sila ng funds from different agencies like government corporations and the likes, which involves the funds of people din.”

Bilang mga manggagawa sa hinaharap, importanteng pagtuunan ito ng pansin sapagkat buwis ng mga mamamayan ang nakataya rito. Kung ang pera ng masa ang nakataya, karapatan nating mangalap ng kaalaman at tungkulin din nating bantayan ito.

 

Ang Maharlika ngayon

Ang Maharlika Investment Fund (MIF) ay isa sa kung tawagin ay sovereign wealth fund na siyang pinangangasiwaan ng MIC. Ito ay ang kapital na naipon mula sa iba’t ibang sektor, publiko man o pribado na maaaring i-invest o ipautang ng MIC sa mga proyekto sa loob man o labas ng bansa.

Kung maihahalintulad ito sa pang-araw-araw na buhay, ito ay ang pag-deposito ng isang tao sa kaniyang pera sa isang bangko, sa pag-asang may ibabalik itong interes. Subalit sa kaso ng MIF, ang perang pinag-uusapan ay mas malaki at may tiyansang mabawasan o hindi na bumalik ang kabuuan o parte nito. Kinakailangan din ito ng mas maraming tao para mas epektibo ang pamamalakad nito.

Ayon mismo sa website ng MIC, binubuo ang nasabing korporasyon ng siyam na katao, kabilang ang kalihim ng Department of Finance, Chief Executive Officer ng Landbank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP), at limang direktor na direktang itinatalaga ng presidente. Sila ang mga pangunahing tagapamahala ng operasyon at kapital ng MIC.

Sa madaling salita, ang siyam na sangay ng gobyernong ito ang magpapasya kung saan pupunta ang maiipon na pera ng MIC.

Saan manggagaling ang Maharlika?

Kagaya ng naunang nabanggit, ang kapital ay manggagaling sa iba’t ibang sangay ng gobyerno. Sa Php 125B total na pangunahing kapital, Php 50B ang manggagaling sa LBP, Php 25B galing sa DBP, at Php 50B sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Maaari pang tumanggap ang MIC ng karagdagang Php 375B sa iba pang mga sangay ng gobyerno o maging mga pribadong institusyon na nais mag-ambag. Ang mga halagang ito ay makikita rin sa mas pinasimpleng infographic ng Rappler sa nasabing paksa na inilathala sa kanilang website noong Marso ng nakalipas na taon.

Sumatotal, aabot sa Php 500B ang maaaring hawakan ng siyam na miyembro ng Board of Directors. Ang halagang ito ay maaari nang pondohan ang Department of Health o DOH at Department of Social Welfare and Development o DSWD sa isang buong taon. May posibilidad pa itong lumaki kung papayagan ito ng mga mambabatas.

Sa mga unang bersiyon ng inimungkahing batas, idinagdag pa ang pension funds gaya ng Government Service Insurance System o GSIS at Social Security System o SSS bilang mga regular na taga-ambag. Ito ay inalmahan ng ilang mambabatas sapagkat maaaring mawala ang mga badyet na nailaan sa mga susunod na mga benepisaryo ng pension

Kalaunan, ipinagbawal din na mag-ambag ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Pag-IBIG Fund, Overseas Workers Welfare Administration, at Philippine Veterans Affairs Office Pension Fund sa parehong kadahilanan.

Maaari ring makapag-ambag ang mga pribadong sektor sa naturang pondo ngunit magiging limitado lang ang kontrol at kapangyarihan ng mga ito sa pagdedesisyon kung saan pupunta ang pera. Ito ay bilang pag-iingat laban sa mga may makasariling hangarin para sa pondo.

Patutunguhan ng pera

Sa simpleng salita, ang investment fund ay isang lipon ng pera na ipinapautang sa indibiduwal o sa kasong ito, mga institusyon, publiko man o pribado. Ito ay upang magkaroon ng kapital ang mga  pinapautang. Kapag nakabawi na ang nasabing institusyon sa kanyang kapital, ito ay magkakaroon ng profit o kita na siya ring babalik sa investment fund na may dagdag na interes.

Kung tutuusin, ganito gumalaw ang mundo. Ito ang pangunahing konsepto na bumubuo sa ideya ng kapitalismo; ito ang bisyon ng tinuturing Ama ng Ekonomiks na si Adam Smith. Upang makapagpatayo ng isang kompanya, mangangailangan ito ng malaking kapital na kadalasan ay naibibigay ng isang mas malaking grupo o indibduwal. 

Isang magandang halimbawa nito sa lokalidad ay ang mga expressway. Bago magsimula ang proyekto, maghihingi at mag-iipon muna ng kapital ang kompanyang gagawa ng kalsada, pribado o publiko man. Kapag natapos na ito, inaaasahang maibabalik ng nasabing kompanya ang inutang nito sa pamamagitan ng pagsisingil sa mga toll gate na kanilang pinapangasiwaan. May mga pagkakataon din na maipagkakaloob ang porsiyento ng kompanya o kita ng mga toll gate sa loob ng tiyak na bilang ng taon.

Kung maihahalintulad man ito sa mga maliliit na negosyo, ito ang katumbas ng kung tawagin ay 5-6 na siyang pinagkukuhanan ng mga negosyo gaya ng mga sari-sari store, karinderya, at iba pa. Ang pagkakaiba lang ay higit na mas malaki ang perang sangkot at maaari rin itong ipunta sa labas ng bansa.

 

May nakagawa na ba nito sa ibang bansa?

Kadalasan, ginagamit ang isang sovereign wealth fund bilang pagsidlan ng sobra at nakatenggang pera ng bansa, gaya ng sa Norway.

Ayon sa Sovereign Wealth Fund Institute o SWFI, ang bansang Norway ay ang may pinakamalaking sovereign wealth fund sa buong mundo: ang Government Pension Fund Global. Sa kasalukuyan, ito ay may kabuuang pondong US$1.7 trilyon, ayon sa Fortune 500; ito ay anim na beses na mas malaki sa utang ng Pilipinas. Ngunit sa halip na kumuha sa kaban ng bayan, ang investment fund na ito ay humuhugot sa sobrang kita sa langis na binebenta ng bansa. Dahil dito, hindi lang naiimbak ang pera, nakalilikha pa ito ng kita.

Kumbaga, ito ay maikukumpara sa pag-imbak ng sobra-sobrang pera sa bangko upang makaipon ito ng interes. Ito ay masasabing pera na hindi agad kinakailangan o surplus sa pondo. Sa paraang ito, naprepreserba ang halaga ng kanilang pera.

Mahalagang unawain ang pagkakaiba ng ating sovereign wealth fund at sa Norway. Sadyang mas ligtas, at dahil dito, mas panatag ang mga mamamayan ng Norway sa kanilang investment fund, subalit hindi rin dapat balewalain ang potensiyal ng maganda at epektibong pamamalakad sa MIF. Paano na lang kaya kung ito ay makompromiso?

 

Kapag nawala ang pera

Marahil isa sa pinakamalaking eskandalo sa mundo ng mga sovereign wealth fund ay ang 1Malaysia Development Berhad (1MDB) scandal kung saan tinatayang mahigit US$ 1B ang nailabas sa pondo.

Labinlimang taon na ang nakalipas noong naitatag ang 1MDB sa ilalim ng pamamahala ng nakalipas na Malaysian Prime Minister Najib Razak. Matapos ng anim na taon, inakusahan ng The Wall Street Journal at Sarawak Report si Razak ng pagbubulsa ng US$ 700M mula mismo sa 1MDB.

Kalaunan, matatagpuan ang mga kaduda-dudang ari-arian ng dating PM gaya ng mga alahas, luxury bags, pera, at isang superyacht, ayon sa report ng Financial Times at Al Jazeera.

Sa kasalukuyan, nakapiit ngayon si Razak upang pagsilbihan ang kanyang 12 na taon na pagkakakulong. Inaasahan na may ibang mga kaso pa siyang haharapin gaya ng money laundering. Mahigit US$ 4.5B ang nakuha ni Razak at iba pang mga kasabwat mula sa investment fund, ayon sa Department of Justice ng US. Patuloy pang hinahanap kung saan ang pera at mga sangkot dito.

Sa mga sitwasyon na ito, makikita ang pwedeng kasamaang madudulot ng pinabayaang sovereign wealth fund. Kapag ang pupuntahan ng pera ay hindi napagdesisyunan ng maigi, maaaring malugi ang kompanyang pinautangan at mawala ang pondo nito. Sa kabilang dako naman, ito ay may posibilidad na maibulsa ng mga nakatataas kung hindi ito lubusang mabigyan ng pansin at mabantayan.

 

Tingin sa Maharlika

Kinondena ng Foundation for Economic Freedom , Management Association of the Philippines, at University of the Philippines School of Economics Alumni Association ang pagtatag ng MIF. Ayon sa kanila, mahihirapan ang BSP sa pangangasiwa sa liquidity ng kanilang pondo. Kapag darating ang panahon na mangangailangan ang ekonomiya ng pera na dapat ilabas ng BSP, mahihirapan sila sa paghugot nito.

Sa madaling salita, ito ay katumbas ng pagsisingil sa mga nakabibin na utang sa oras ng kagipitan. Masasabi mo pa ring pera mo ang mga utang na iyong hindi nasingil, ngunit hindi ito nakahanda at magagamit ka agad. Kumbaga, hindi ito liquidated.

Ipinunto rin nila ang paglipat ng kinakailangang pondo ng mga government financial institutions gaya ng LBP, DBP, at BSP. Anila, imbes kasi na sa mga kapital ng mga magsasaka, mangingisda, at medium, small, and micro enterprises o MSMEs mapupunta ang pera ay mailalagak ito sa isang fund, taliwas sa mga misyon na iniatas sa mga nasabing GFIs. Ang posisyon na ito ay sinegundahan ng isang policy brief ng Ateneo de Manila University School of Social Sciences at ng Ateneo School of Government.

Sinang-ayunan naman ito ni  David Joseph Bognadon, isang faculty member ng Department of Agricultural Economics and Agribusiness Management (DAEAM) ng College of Agriculture (CA) ng Benguet State University (BSU).

“Halimbawa, may mga bansa na nag-implement ng ganoon [investment fund] na hindi naman successful and considering yung bansa na ‘yun mas developed pa kaysa Pilipinas,  hindi sila naging successful. So how much more sa Pilipinas na marami tayong concerns. Yung sistema natin, hindi masyadong maayos; yung politics, hindi masyadong maayos. Tapos wala pa tayong masyadong pera [surplus],” aniya. 

“Although yung objective nila, parang maganda,” kinatwiran naman ni Bognadon.

Sa papel naman na inilabas ng Milken Institute, isang nonprofit na organisasyon na tumututok sa pandaigdigang salin ng kalusugan, pananalapi, at pilantropiya, pinahayag nila ang kanilang rekomendasyon para sa pangangasiwa ng MIF.

Isinaad nila sa papel na kailangan ng korporasyon ng kanilang pagkakakilanlan at gampanin sa ekonomiya at pananalapi ng Pilipinas. Nais nilang makita ang hangarin ng fund at kung paano ito maaabot, at maging ang angkop na istruktura ng mga miyembro, mga tungkulin, at operasyon.

Panghuli, idiniin nila ang kahalagan ng transparency sa pangangasiwa ng perang ito. Ayon sa kanila, kailangan ng MIF ng mga auditor na magmumula sa loob at sa labas. Ito ay sa pag-asang mabantayan ang korapsyon sa nasabing fund, lalo na at may mahabang kasaysayan ang Pilipinas sa paksang ito.

In terms of transparency, alam naman natin yung ongoing cases, like our vice president. Hindi niya masagot kung saan yung budget napupunta. So if for instance, may budget briefing, baka ganoon din yung mangyari,” pag-alala ni Villanueva, ang estudyanteng unang nagpahayag sa nalalaman sa naturang fund.
“Kapag yung funds is na-allocate siya in a wrong way like hindi siya nagamit sa facilities na mag-iimprove ng buhay ng bawat isa, parang nagsasayang lang tayo ng funds para magamit ng iilan like the politicians para sila-sila rin lang yung yumaman, parang ganoon,” dagdag pa niya.

Maharlika laban sa mga maralita.

Ang mga pinakamakapangyarihang tao ng kasaysayan bago ang kolonisasyon, laban sa mga pinakamababang uri. Kapag ikaw ay isang maharlika, gagawin mo ang lahat ng iyong makakaya upang mapanatili ang iyong mataas na antas. Ganoon din kaya ang mangyayari rito?