CULTURE

Hinagpis ng Nakaraan: Himig na Dumadaloy sa Bawat Tono ng Kasalukuyan

BY Aubrey Mendegorin

Isa na ata ang dulang Macli-ing sa pinagusapang teatro noong nakaraang taon sa buong rehiyon hindi lang dahil karamihan sa mga aktor na gumanap ay Kordilleran, ngunit naging daan din ito upang mabuksan ang pahina ng nakaraan. Hango sa obra maestra na sinulat ni Malou Leviste Jacob at unang itinanghal sa Philippine Educational Theater Association (PETA) noong 1988 sa direksyon ni Soxy Topacio, bawat piyesa ng dula ay maingat na hinulma upang maipabatid ang mensaheng hanggang ngayon ay dapat alalahanin. Sa pagbabalik nito sa teatro ngayong 2023, sa direksyon naman ni Karlo Marko Altomonte, kontrobersyal na paksa man kung ito ay ituring dahil ang mensahe’y tila ba pilit na binubura ang bakas ng historia subalit matagumpay na ipinakita ang kabayanihan sa likod nang mapait na sinapit nang bidang si Macli-ing Dulag.

 

Nagsimula ang buhay nang bayani ng Kordilyera nang siya ay ipinanganak sa bulubunduking bayan ng Tinglayan, Kalinga. Naging simbolo ng katapangan ang pangat o ang pinuno ng tribo ng Butbut na si Macli-ing. Ayon sa martiallawmuseum.ph, tatlong beses siyang hinirang bilang kapitan ng kanilang barrio kung kaya’t hindi maikakaila na siya ang nagsilbing boses sa hinaing at saloobin ng kanyang nasasakupan lalo na hinggil sa balak na pagpapatayo ng Chico River Dam. Huwaran siya kung maituturing at naging ehemplo sa kanyang komunidad. Hindi maitatanggi na sa kabila nang ilang pagsubok na kaniyang kinailangang harapin sa administrasyong kung saan siya nabubuhay, hindi niya kailanman ibinenta ang kanyang dangal at prinsipyo para sa sariling interes. 

 

Daloy ng Pag-asa sa Ilog 

 

Nang umusbong ang ideya na magpatayo ng dam sa Chico River sa pamamahala nang diktador na si Ferdinand Marcos Sr., marami sa kababayan ni Macli-ing ang umalma na matuloy ang proyekto. Hindi biro ang 178 kilometro na sasakupin nito lalo na kung karamihan sa katutubo’y nakaasa ang kanilang kinabukasan sa naturang ilog. Matinding pagkasira rin sa kalikasan ang magiging mitya sa pagbuo ng dam. Tiyak na babahain ang mga kabahayang sumasakop sa lupain kung mahaharangan ang daluyan ng ilog. Hindi na maibabalik pa ang nawalang likas yaman hindi lang para sa mga katutubo kung hindi mas lalo na sa kapaligiran. 

Ayon sa isang pag-aaral na pinamagatang “Indigenous environmental defenders and the legacy of Macli-ing Dulag: Anti-dam dissent, assassinations, and protests in the making of Philippine energyscape”, magsisimula sana ang pagpapatayo ng naturang 1010-megawatt hydroelectric power plant na magmumula sa Mt. Province at aabot hanggang Kalinga. Popondohan ng World Bank ang panukalang dam kung ito ay matutuloy kung kaya’t agarang kumilos ang National Power Corporation o NCP para sukatin at magkaroon ng sarbey sa lawak ng lupain. 

Hindi naabisuhan ang mga katutubo sa hakbanging ito. Katulong ang Episcopal Commission on Tribal Filipinos of the Catholic Bishops’ Conference bumuo ng bodong ang mga mamamayan ng Mountain Province at Kalinga noong 1975 upang gumawa ng hakbang para pigilan ang nalalapit na pagtatayo ng dam. Dahil sa lawak ng anyong tubig na sasakupin ng naturang proyekto, bumuo ng kasunduan ang mga katutubo. Tinawag nila itong Pagta ti Bodong kung saan nagkaisa sila na mag-alsa upang mapigilan ang pagpapatayo ng Chico River Dam. At sa pagkakaisang ito, buong lakas silang nagsama-sama. Ang mga kababaihan at kalalakihan ay hawak-kamay at buong tapang na hinarap ang nakaambang panganib hindi lang sa ilog at lupain kung hindi higit sa lahat sa kanilang buhay.

 

Pagsasabuhay ng Madilim na Nakaraan 

 

Nagsimula ang dula walong taon matapos barilin si Macli-ing, sa muling pagbabalik ni Puraw (ang tawag ng mga katutubo kay Manuel Elizalde Jr.) at mga militar para sakupin ang lupain ng Tinglayan, Kalinga. Ang kanilang misyon: ituloy ang naudlot na pagpapatayo ng Chico River Dam. Nabulabog nanaman ang tahimik na pamayanang nagluluksa sa pagkamatay ng kanilang bayaning si Macli-ing. Ngunit nang mapansin ng Man-aalasig ang isang changyang tumubo sa puntod ng bayani, naipaalala nanaman sa mga katutubo kung ano ang ipinaglalaban ng kanilang pamayanan. 

Samu’t saring taktika ang ginawa ni Puraw upang makumbinsi ang mamamayan na isuko ang kanilang lupain para sa Chico River Dam. Una, sinubukan niyang suhulan ang mga katutubo. Nagbigay din siya nang matatamis na salita at mga pangakong nagsasaad na para sa ikabubuti ang pagtayo ng Chico River Dam sa pamayanan. Ngunit siya’y bigo kung kaya naman ay karahasan ang kaniyang naging huling susi para takutin ang mga katutubo Hindi nagpadaig sa pagbabanta at panggigipit ng mga militar ang mga katutubo. Bagkus, pinakita sa pagtatanghal na sama-sama silang tumindig at hawak-kamay silang tumayo para sa ipaglaban ang lupaing ipapamana pa nila sa kanilang mga anak at anak ng kanilang mga anak. Kung karahasan ang ipinapakita ng mga kalaban, karahasan din ang sagot ng mga mamamayan.

 

Mga Himig Para sa Kasalukuyan 

 

Sinasalamin ng dulang pinagbidahan ni Chumiwar bilang Macli-ing ang kalupitang dinanas ng bawat katutubong hindi nawalan ng lakas loob ipagtanggol ang kanilang lupain. Hindi nagkulang ang produksyon sa pagpapakita na ang bawat hinagpis at paglaban ng mga mamamayan ay orihinal at halaw sa mga totoong pangyayari. Inihayag ng palabas ang walang pagaalinlangan nila Macli-ing upang ipaglaban ang lupang siyang ipinamana nang kanilang mga ninuno upang pangalagaan. 

Tiniyak ng produksyon na ang bawat palahaw ay alingawngaw sa buong convention upang maging dahilan para tumaas ang balahibo ng mga manonood. Sa makatotohanang pagganap ng mga aktor ng palabas, minulat nito ang mga mata nang manonood na hindi kailanman kayang kumamkam ang tao ng anumang lupaing hindi niya kinalakhan. Ang nakabighani pa sa pagtatanghal ay ang pagsama ng mga tagapanood na tila ba’y parte sila ng tribong Butbut. 

Ang awtentikong pagsasabuhay nang kahirapang dinanas noong panahong lumalaban sila Macli-ing ang patunay na ang bawat dugong inialay para sa mga Pilipino ay dapat kailanma’y hindi kalimutan. Inilarawan ng pagtatanghal ang mga hamong hanggang sa kasalukuyan ay tinik pa rin sa pag-unlad ng ating bayan. Nagsilbing paalala ang bawat hinagpis at palahaw mula sa mga linyang binitawan na ang nakaraan ang siyang dapat boses at tindig ng kasalukuyan. Kailangang harapin ang bawat balakid na maaaring umusbong na para bang dugong nananalaytay sa bawat Pilipino ay si Macli-ing Dulag. 

“Malaking panghihinayang na hindi alam ng mga kabataan ang ginawa ni Macli-ing at ang mga stories here in Cordillera. Ito is story na real life talaga ‘to. Which is thankful naman kasi for the past years na walang teatro sa Baguio, ibinalik nila and ang first play na ibinahagi is yung Macli-ing. It’s a big opportunity to spread the lessons and inform the public. Nakakaproud lang kasi may nalaman ako na struggles ng Cordilleran people.” 

Ito na lamang ang naging wika ni Jerson Harvey Mang Osan, isang estudaynte ng Benguet State University (BSU), miyembro ng Drama Arts Club (DAC), at isa sa mga militar na gumanap sa pagtatanghal. 

Habang tumatanaw sa kabayanihang walang takot na ipinakita ni Macli-ing, hanggang saan aabot ang katapangan ng isang tao upang ipaglaban ang sa kanya’y nararapat, hanggang ngayon ba’y naaakma pa rin ang pagiging matapang o sadyang hindi na ito sapat sa mga ganid sa kapangyarihan?

RELATED ARTICLES

From Ato to Coffee Shops
CULTURE From Ato to Coffee Shops by Crislyn Balangen, The Mountain Collegian Alumni | Originally published...
Continue reading
Sangadil: an Indigenous Practice of Honoring the Dead
CULTURE Sangadil: an Indigenous Practice of Honoring the Dead by Dine Yve Daganos, The Mountain Collegian...
Continue reading
Dap-ay: The Multipurpose Hub​
CULTURE Dap-ay: The Multipurpose Hub by Erwin John Taborda, The Mountain Collegian Alumni | Originally...
Continue reading
Sapata: More Than a Sacred Oath
CULTURE Sapata: More Than a Sacred Oath by Rose Dagupen, The Mountain Collegian alumnA “In the...
Continue reading